2 biktima ng ambush naligtas ng tropa

Isang madugong araw ng mga puso ang sumalubong sa pamilya ni Nasrodin Mangilay Talib, 39 anyos, at sa kapatid nitong si Alabama Mangilay Talib, 49 anyos, mga residente ng Purok Singko, Barangay Tunganon, Carmen North Cotabato, alas-siete ng gabi, ika-14 ng Pebrero, 2019.

Habang pauwi ang dalawa, sakay ng motorsiklo, ay tinambangan at binaril sila ng humigit kumulang na limang armadong suspek. Nagtamo sila ng mga kritikal na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos humupa ang putukan, agarang sinaklolohan ng Detachment Commander ng Barangay Tonganon ang mga biktima at binigyan ng paunang lunas.

Dumating naman ang isang squad mula sa 7th Infantry Battalion para alamin ang lagay ng sitwasyon. Kalaunan, personal na dinala ng tropa ang dalawang sugatang biktima sa Amas Provincial Hospital.

Sina Nasrodin at Alabama ay kapwa miyembro ng MILF sa ilalim ni Datu Teo Menanimbung ng 105th Base Command, Moro Islamic Liberation Front.

Ayon sa panayam sa mga biktima, ang ugat ng pananambang ay ang alitan ng dalawang pamilya o Rido.

Napakaraming Rido sa bayan ng North Cotabato na hanggang ngayon ay nagdudulot ng takot at pangamba sa mga Cotabateno at kadalasang nagreresulta sa madugong kalagayan ng mga inosenteng silbilyan.

Sino ba talaga ang tunay na magkalaban? Hindi natin matukoy pero mas madali sigurong sagutin ang tanong na “Sino ba talaga ang tunay na biktima?”

Paano nga ba matitigil ang mga ganitong putukan at mga karumal dumal na pangyayari?

Nitong nakaraang ika-anim ng Pebrero, 2019, napagtagumpayan ng bayan ng Carmen na bumoto ng Yes to Bangsamoro Organic Law na sumasalamin sa adhikain ng mga residente na magkaroon ng kapayapaan at kaunlaran, ngunit magtatagumpay ba ang BOL kung hanggang pagboto lang ang ating gagawin?

Maaaring simpleng pag-evacuate sa biktima ng RIDO ang aming ginawa ngayong araw ng mga puso, gayunpaman bahagi ito ng mas malaking hangarin namin para sugpuin ang madugong RIDO at kaguluhan sa bayan ng North Cotabato.

“Aming sinusulong ang mapayapang kasunduan sa pagitan ng mga pamilya at mga mamamayang may alitan dito sa Mindanao. Patuloy rin naming susuportahan ang mga inisyatiba, tulad ng rido settlement, ng lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensya at organisasyon, kaakibat ng transisyon na magaganap sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law,” sinabi ni Lieutenant General Arnel Dela Vega, ang kumander ng Western Mindanao Command.

“Sa inyong patuloy na pakikipagtulungan ay naniniwala kami na ating makakamit ang ating hangarin para sa pangkalahatang kapayapaan sa Mindanao at sa buong bansa,” dinagdag pa ni Lieutenant General Dela Vega.

Leave a Reply