Year End Message of WestMinCom Commander

Mula sa mga taong bumubuo ng Western Mindanao Command, taos puso kong binabati at pinapasalamatan ang mga mamamayan sa patuloy na pagsuporta sa kasundaluhan at sa ating mga progama upang makamtan ang kapayapaan at kaunlaran dito sa Mindanao.

Lubos po kaming nasisiyahan na kayo ay naging katuwang namin sa lahat ng aming mga napagtagumpayan. Ang lahat po ng aming nakamtan ay pagpapatunay na ang kapayapaan ay pangkalahatan. Lahat po ay maaari nating makamit kung tayo po ay magtutulungan, hindi lamang para sa ating personal na interest, kundi para rin sa kinabukasan ng ating mga anak at ng mga susunod na henerasyon. Ang pakikiisa ng militar, pulis, mga lokal na opisyal, at ng mamamayan ang naging susi upang mapagtagumpayan natin ang ating kampanya laban sa mga teroristang grupo.

Ngayon ay inaani na po natin ang mga bunga ng ating pagtitiyaga at pagsasakripisyo sapagkat nakikita na natin na marami nang mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front, Abu Sayyaf Group, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Maute/Dawlah Islamiyah ang nagbalik-loob sa gobyerno.

Gayonpaman, hindi nagtatapos dito ang ating mga responsibilidad. Sa bahagi ng
Sandatahang Lakas ng Pilipinas, kami po ay nakatuon sa aming mandato na tugisin ang mga natitirang miyembro ng mga teroristang grupo sa Mindanao
sa pamamagitan ng aming mga opensiba at sa patuloy na pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, mga pribado at pampublikong sektor, at iba pang mga organisasyon.

Dagdag pa dito, kami ay patuloy na nananawagan sa mga natitirang kasapi ng mga teroristang grupo na sila ay magbalik-loob na sa gobyerno, hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para na rin sa kanilang mga anak, pamilya, at sa mga taga-Mindanao na walang ibang hangad kundi ang matiwasay, mapayapa, at tahimik na pamumuhay.

Ang taong 2018 ay isang matagumpay at masaganang taon para sa Western Mindanao Command at sa lahat ng mamamayan ng nasasakupan nito at ito ay ipinagpapasalamat natin sa Poong Maykapal. Ngayong kapaskuhan at Bagong Taon, nawa’y patuloy tayong pagpalain at proteksyunan ng Diyos sa lahat ng ating mga misyon. Nawa’y patuloy niya ring gabayan ang mga naliligaw patungo sa tamang landas.

Maligayang Pasko at isang Masaganang Bagong Taon sa ating lahat!

Lt. Gen. Arnel B Dela Vega AFP
Commander, Western Mindanao Command

Leave a Reply